
Survivor story: Mag-ina sa Misamis Occidental, inanod ng baha at nag-Pasko sa dagat
Kamangha-mangha ang survival story ni Christelyn Lomo at ng tatlong anyos nitong anak.
Sa dagat ng Andang, Kauswagan sa Lanao de Norte nag-Pasko ang mag-ina matapos anurin ng baha dahil sa tuluy-tuloy na pagbuhos ng ulan sa kanilang lugar sa Jimenez, Misamis Occidental.
Nagpalutang-lutang sila, at para hindi magutom at mauhaw, kumain sila ng buhay na isda at ng inanod na papaya at buko.
Pagkatapos ng tatlong gabi sa dagat, namataan ang mag-ina ng mga mangingisda na naghahanap ng mga tinangay na bangka.
THE NIGHT BEFORE CHRISTMAS
Sa ulat ni Jervis Manahan sa TV Patrol noong December 29, 2022, natutulog si Christelyn at anak nito sa loob ng bahay noong bisperas ng Pasko o December 24, habang ang ibang kapamilya ay nasa labas.
Biglang rumagasa ang malakas na baha at gumuho ang kanilang bahay at natabunan ang mag-inang natutulog.
“Nung natabunan na po kami ng bahay, yung anak ko po, pilit ko po siyang itinulak sa taas ba, para ma-save siya,”
Lahad ni Christelyn, “Tapos ako, tumambak na sa akin lahat yung mga bubong, yung mabigat talaga sa aking katawan.
“Akala ko babawian na ako ng buhay noon, kasi ininom ko na po yung mga tubig, hanggang sa nakaahon ako…”
Dumire-diretso ang mag-ina sa laot. Mabuti na lang, napakapit si Christelyn sa isang sira-sirang balsa.

Mismong araw ng Pasko, palutang-lutang sila. Naging hamon ang paghahanap ng pagkain, lalo na para sa paslit na anak ni Christelyn.
“Naghahanap na siya ng pagkain. Sabi ko, ‘Wala tayong makain, nak.’
“Buti na lang may lumapit na papaya, Sir, kinain namin ang papaya.
“Tapos meron ding isda. Kinain namin kahit buhay pa.
“Tapos naghahanap na rin ang anak ko ng tubig. Wala talaga akong mahanap.
“Sabi ko, ‘Nak, inumin mo na lang yung tubig-dagat… Ayaw inumin ang tubig-dagat.
“Sabi ko, ‘Look up ka, nak,’ kasi umuulan yun, para makainom siya ng tubig-ulan. Ayaw niya pa rin.
NOOD KA MUNA!
“Hanggang sa makita ko yung buko, pinukpok ko yun hanggang sa mabiyak, tapos ininom niya yung sabaw.”
DANGER IN THE MIDDLE OF THE OCEAN
Nakaramdam ng takot si Christelyn nang mahati ang sinasakyan nilang balsa.
Nangamba siyang baka malunod silang mag-ina.
“May ahas pang sumakay sa balsa namin,” dagdag ni Chrystelin.
Natakot daw siya dahil humarap sa kanila yung ahas.
“Kumuha ako ng pampalo, habang nakatalikod siya, papaluin ko.”
Nang makaramdam daw ang ahas na papaluin ito ni Chrystelin ay humarap ulit.
Binitawan daw ni Chrystelin ang pamalo, at umalis ang ahas.
December 27 nang matagpuan ng mga mangingisda si Chrystelin at ang kanyang anak.
Nalaman din ni Chrystelin na tinangay ng baha ang kanyang mister, subalit hindi ito nakaligtas.
Lubos naman ang pasasalamat ni Chrystelin dahil naniniwala siyang hindi sila pinabayaan ng Diyos.
Sabi ng ina, “Alam ko sa Kanya lahat yung mga binigay sa amin. Kasi kung wala kami masakyan na balsa, malulunod talaga kami.”
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot sa 32 ang namatay, 11 ang sugatan, at 24 ang nawawala sa nangyaring baha sa Misamis Occidental.
Daan-daang pamilya naman ang nanatili sa evacuation centers, kung saan ilan sa kanila ay doon nag-Pasko at inabot na rin doon ng Bagong Taon.
News Philippines today at https://philtoday.info/