
SUCCESS STORY: Rados Lechon, Hari ng Tumbong sa Tondo
Bago pa magsulputan ang mga street-food fair sa Tondo, Manila, nariyan na ang Rados Lechon.
Puntahan ang puwesto nito sa 2137 Simon corner F. Varona Street, Tondo, Manila.
Kung noong dekada 70s at 80s ay sikat ang Tondo bilang paboritong shooting location ng mga higanteng action stars, ngayong digital era naman ay trending ang lugar bilang isang food trip destination.
At isa nga sa must-visit places ng foodies ang Rados Lechon.
MANG RADO: LECHONAN at TUMBONGAN IN ONE
Lampas million views na ang feature ni Conrado “Mang Rado” Bautista sa Tikim TV YouTube Channel nang maitampok ito noong 2021.
“Siya po talaga ang pinupuntahan kapag ang hanap ay tumbong soup,” sabi ng manugang ni Mang Rado na siya ring katulong nila sa tumbongan.
Bukod sa tumbong soup, kilala rin ang Rado’s sa kanilang lechon kawali, kamto [beef brisket soup], at asado- guya at dila ng baboy.
Meron din silang special asado sauce na puwedeng ihalo sa ginayat na papaya.
YORME’S FAVORITE
Patunay na masarap ang mga luto sa Rado’s Tumbongan at Lechonan ay nang naging isa sa mga suki niya si Isko Moreno Domagoso, dating mayor ng Maynila.
“Si Yorme [Mayor Isko Domagoso], konsehal pa lang iyan, suki ko na iyan.
“Ang kinakain niyan, kamto at lechon. Dati madalas dito iyan.
NUOD KA MUNA!
“Pero ngayon nagpapabili na lang siya, mula noong maging mayor.
“Nagpapabili siya at inuuwi niya para ipakain sa mga anak niya,” buong pagmamalaki pang sabi pa ni Mang Rado.
“Ako po ang pinakamasarap magluto rito at pinakamatagal. Sabi nila masarap daw, lalo na po ang lechon kawali.”
Samantala, nang itampok noong 2019 si Isko sa Ces and the City, ang digital show ni Ces Drilon, binanggit ni Isko na paborito niya ang kamto at tumbong soup.
Ang ipinagmamalaking kamto o beef brisket soup ng Rados Lechon. (Inset) Si Mang Rado Bautista
Nagsimula ang negosyong tumbongan at lechon kawali ni Mang Rado noong 1994.
“Ang tumbong kasi, large intestines ng baboy iyan. Kung hindi ka marunong magluto, e, talagang may amoy.
“May nagtitinda rin sa may labas. Yun nga lang, yung sa amin, hindi mo malalasahan ang dumi ng baboy. Hinuhugasan talaga iyan. Malinis na malinis,” ani Mang Rado.
Maaaring kakaiba ang dating ng tumbong soup para sa iba, lalo na sa mga picky eaters.
Pero tinitiyak ni Mang Rado na siya mismo, pinag-aralan niya kung paano ito linisin at ihanda.
“Ako mismo, pinag-aralan ko kung paano linisin ang bituka ng baboy. Yun nga po, na-perfect ko ang paglilinis,” patuloy na kuwento ni Mang Rado.
FROM DELIVERY BOY TO TUMBONG KING
Gaya ng maraming success stories na ating nababasa, nagsimula si Mang Rado bilang isang delivery boy sa kilalang kumpanya noon ng mga alak.
“Tagabuhat ako ng mga kahon, delivery boy ako noon. Ako po’y nagpapasan ng kahon-kahong Ginebra San Miguel.
“Hanggang sa ma-promote ako sa Engineering Department, dahil nalaman po na ako’y isang electrician.
“Nag-aral po ako ng Electrical Technology sa Philippine College of Arts and Trade. Kaya naging electrician po ako,” pagbabalik tanaw ni Mang Rado.
Noong magsara ang kumpanya nila, namroblema si Mang Rado kung saan siya kukuha ng pang-araw-araw na gastusin.
Kasama ang kapatid na si Emily Cabral, naisipan niyang pasukin ang pagtitinda ng tumbong, lechon kawali, at kamto.
Paglalahad ni Mang Rado, “Huminto lang po siya noong mamatay ang asawa niya. Ako naman po ang pumalit.
“Inimprub ko lang ang lasa at nagtatanong-tanong ako kung paano magluto ng asado.
“May kilala kasi akong nagtatrabaho sa Chinese restaurant kaya nagtanong ako.”
Dito na nag-umpisang makilala ang isa sa kilalang street food ngayon sa Maynila, ang tumbong soup at lechon kawali ni Mang Rado.
Ang ipinagmamalaking tumbong soup na gawa sa bituka ng baboy o baka.
Bago pa mag-trending sa social media, dinarayo na ang puwesto ni Mang Rado.
Sino ang mag-aakalang ang kinaroroonan nilang eskinita ay pipilahan ang tao, lalo na sa gabi.
“Kung dati tatlong kilo ang nauubos namin, ngayon 15 kilos na tumbong kada araw.”
LABOR OF LOVE AND TUMBONG
Dahil sa sipag, determinasyon, at pagmamahal sa pamilya, napalago ni Mang Rado ang kanilang negosyo.
Katunayan, nakapagpatayo siya bahay para sa pamilya.
“Ang naipundar ko po ay itong aking bahay, kasi gigiba-giba po ang aming bahay. Aapay-apay ang kahoy. Ano lang iyan, lawanit.
“Kaya inuna ko ang bahay namin. Napa-bato ko po at ginawan ko po ng 4th floor,” patuloy pa ni Mang Rado, na hindi mahihimigan ng kayabangan, kundi puro pasasalamat sa lahat ng grasyang natanggap.
“Kaya ko pinataasan para kanya-kanyang floor ang mga anak ko.
“Kasi tatlo ang anak ko, e. May mga anak na sila. May mga apo na ako, e,” kuwento ni Mang Rado tungkol sa mga anak.
Nakapagpundar din ang negosyante ng sasakyan, isang Toyota Fortuner, na gamit nila sa pang-araw-araw na mga lakarin.
MANG RADO’S LEGACY
May edad at may dinaramdam na si Mang Rado, kaya ang negosyong ito ay ipinamana na niya sa anak at manugang.
“Sinasabi ko sa kanila, ayusin nila ang trabahong ito.
“Pag may gustong tumulong, e, tinatanggap namin at pinagsi-serve.
“May kasabihan po tayo, nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. E, hihingi ka ng awa, tamad ka naman!
“Kailangan po mag-isip ka kung paano kumita na hindi manggagaling sa masama ang ipapakain mo sa pamilya mo.”
Bilang negosyante at nagtitinda ng pagkain araw-araw, hindi iniisip ni Mang Rado kung paano siya kikita.
Bagkus, iniisip niya kung paano mas magaganahan ang kanyang mga customer. “Kung nagtitinda ka, huwag mong isipin ang kita. Isipin mo kung paano sila masisiyahan.
“Yung pag-alis nilang dalawa pag tapos kumain, babalik sa iyo, may kasama nang apat.”
Asado sa Rados Lechon
Number one ding payo ni Mang Rado sa mga nagsisimula sa ganitong negosyo ay dapat fresh ang lahat ng ingredients, hindi botcha o double dead meat.
Lubos ang kaligayahan ni Mang Rado dahil bukod sa trending at patok ang tumbongan at lechonan niya, nasa maayos ang lagay ng kanyang mga anak.
Nitong nakaraang linggo, pumanaw na si Mang Rado.
Habang sinusulat ang artikulong ito, aming balikan ang iniwang pamana ni Mang Rado hindi lang sa pamilya kundi sa mga tumatangkilik ng kanyang paninda.
Siguradong napapangiti siya ngayon habang tinitingnan mula sa kalangitan ang kanyang mga suki sa tumbongan.
Samantala, sa kabila ng malungkot na balita, patuloy ang operasyon ng Tumbongan at Lechonan Ni Mang Rado, na pinapatakbo ngayon ng kanyang mga anak.
News Philippines today at https://philtoday.info/