
Mang Larry’s Isawan ng UP Diliman, pumuwesto na rin sa UST area
Maituturing na iconic para sa mga iskolar ng bayan ang Mang Larry’s Isawan sa Diliman campus ng University of the Philippines.
Sa halos apat na dekada, maging ang mga alumni ng unibersidad, celebrities, at iba pa ay dumarayo upang matikman ang kinagigiliwang street food.
Ang latest: may isawan na rin malapit sa University of Santo Tomas (UST).
Nitong November 21, 2022, nagbukas ito ng bagong branchsa Fusebox Lifestyle Complex, isang food park along Asturias Street, Dapitan.
Tulad ng inaasahan, ilang araw nang sold-out ang tinda nito at nagkakaubusan pa, considering na soft opening pa lamang ito at ang grand launch ay sa November 28 pa.
Sa official Facebook page nito, nagpasalamat ang Mang Larry’s Isawan: The Famous Isawan in UP noong Martes, November 22.
Nakasaad sa post (published as is): “GRABE KAYO U-BELT AT MGA MANILEÑO!! [tiger emoji]
“MARAMING MARAMING SALAMAT PO SA MGA BUMILI SA AMING UST BRANCH NGAYONG ARAW.”
“Pasensya na po kung natagalan at naubusan ang iba, dahil limited stocks po at dalawang tao palang po ang naka-assign sa aming branch dahil kakabukas lang po nito kahapon.
“Maraming salamat po sa pag unawa AT ASAHAN NYO PONG KAMI PO AY BABAWI SAINYO.”
A FIXTURE FOR FOODIES SINCE 1984
Ang Mang Larry’s Isawan ay sinimulan ni Lauro Condencido Jr., o Mang Larry, sa mga estudyante at iba pang parokyano, noong 1984 sa loob ng UP Diliman campus.
Isa lamang itong rolling store noon na kadalasang mamataan sa tapat ng Kalayaan Residence Hall.
Kalaunan ay nagkaroon si Mang Larry ng permanenteng puwesto malapit sa College of Fine Arts.
At dahil sa taas ng demand, nagtayo rin sila ng stalls sa Magiting at Maginhawa Streets.
Bukod sa pagkakaroon ng stalls sa labas ng UP campus at isang branch sa labas ng Quezon City upang pagsilbihan ang mga Manileño, nagkaroon na rin ito ng delivery service.
Available ang Mang Larry’s Isawan sa pamamagitan ng mga ride-hailing at delivery apps tulad ng Grab, Lalamove, Toktok, Mr. Speedy, at Angkas.
Tumatanggap din sila ng maramihang orders para sa mga handaan.
Ipoproseso ang orders sa main branch, pero puwede silang i-pick up sa iba’t ibang branches.
Nagke-cater din sila sa events at puwede silang dumayo sa inyong location bitbit ang Mang Larry’s food cart.
MAS MADAMI NA ANG IHAW SPECIALS
Naging patok si Mang Larry sa pagbebenta ng famous Pinoy street food ihaw-ihaw na ang price range ay mula PHP15 hanggang PHP35.
Ang bestsellers ay isaw (ng manok o baboy), pork barbecue, tenga, tumbong, chicken ass, atay, at balunbalunan served with a special suka with different spices.
May mga produkto silang “tusok-tusok” items tulad ng kwek-kwek, kikiam, at fishballs; meron na ring silog meals, fried noodles, beef pares, at chicaron bulaklak.
Kasama na rin sa menu ang inihaw na liempo, pusit, at bangus.
Bumebenta ang isawan ng halos 4,000 sticks a day. Ito ang nakatulong kay Mang Larry upang mapagtapos ang lahat ng kanyang limang anak.
Walang duda, malayo na ang narating ng Mang Larry’s Isawan!
News Philippines today at https://philtoday.info/