
Loisa Andalio, Ronnie Alonte invest joint savings in cafe business
Nagbukas ng sarili nilang coffee shop ang reel-and-real-life sweethearts na sina Loisa Andalio at Ronnie Alonte.
Isa itong branch ng Farron Café, na matatagpuan sa Molino Highway, Molino III sa Bacoor City, Cavite.
First joint business ng tambalang Loisa at Ronnie, o LoiNie, ang coffee shop na kabubukas lang noong November 21, 2022.
Walang ibang kasosyo sina Loisa at Ronnie sa café. Galing sa sarili nilang ipon mula sa kanilang joint bank account ang ginamit na puhunan sa business.
Saad ni Loisa, “Actually, kami ni Ronnie, may sarili na po kaming savings. Meron na kaming saving account sa bangko. Doon na siya pumapasok.
“’Tsaka maganda yung nakakapag-ipon-ipon. At para pag magta-travel kami, doon na lang namin kukunin. Pang-travel, pangkain, pang-labas-labas.”
Mabilis na nilinaw ni Ronnie na pang-business lang ang binuksan nila na joint account ni Loisa at hindi para sa savings nila as a couple.
Esplika pa ni Ronnie, “Hindi, pang-travel lang. Extra income rin sa personal savings namin.
“‘Tsaka ito yung mas tuluy-tuloy kesa sa showbiz na kapag wala kang ginawa, e, hindi umaandar yung income mo. Hindi umiikot.
“So eto yung laging umaaandar kahit wala kaming work.”
Dagdag pa ni Loisa, “Iba na rin kasi ang work ngayon, Naka-can na ang mga teleserye at movies.
Kung minsan kasi ay may dalawang buwan na diretso na nagte-taping sila para sa canned series.
Kapag umere na iyon, tengga na sila sa bahay. Kaya ito raw ang naisip nilang paraan para siguruhing kumikita sila kahit wala silang project.
PUTTING UP THE COFFEE SHOP
Anim na taon nang magkarelasyon sina Loisa, 23, at Ronnie, 26.
Kahit bata pa sila, napagtanto nilang mahalagang mag-isip sila ng ibang mapagkikitaan.
Sabi ni Loisa: “Kasi, siyempre pag tumatanda… Pag tumatanda?! Hahaha! Kapag nagkaka-edad ka na talaga, mari-realize mo rin kung ano pa yung gusto mong gawin.
“Kasi nasa pagsho-showbiz kami ni Ronnie, umaarte, nagpe-perform.
“So behind that, gusto namin na may iba rin kaming pinagkakaabalahan habang naggro-grow kami bilang tao rin talaga. Hindi lang sa showbiz.
“Saka bukod doon, iba rin kapag gusto mo yung ginagawa mo. Kami ni Ronnie mahilig kami sa coffee.
“At ngayon, nag-start kami. Nakipag-collab kami sa Farron para sa sarili naming café.”
Sundot ni Ronnie, “Kasi hindi naman habang-buhay nandiyan ka sa showbiz. Kailangan nating magnegosyo para siyempre may back-up plan.”
Ang itinayong coffee shop nina Loisa at Ronnie ang kauna-unahang store ng Farron na may dine-in set-up.
Paliwanag ni Loisa: “Kasi, yung Farron po talaga, before ano siya, yung stall sa mga mall. Sila talaga yung nasa ilalim ng elevator. Wala po silang malaking store talaga.
“Kaya naisip naming na, ‘Uy, gawa kaya tayo ng café sa Farron?”
ON TAKING RISKS AS ENTREPRENEURS
Ano feeling ng pagiging certified entrepreneurs?
“Mahirap sa una,” pag-amin ni Ronnie.
Sagot ni Loisa, “Mahirap kasi pag sinasabi nila na madali lang mag-business, ganyan. Mahirap din talaga. May kanya-kanyang challenges na pagdadaanan.
“Pero doon ka magkakaroon ng lakas ng loob para i-go mo lang yung mga naiisip mong ideas, ganyan.”
Bukod sa pagiging negosyante, nais din nina Loisa at Ronnie na magbigay-inspirasyon sa kabataan na mag-isip ng paraan para kumita ng pera.
Sabi ni Ronnie: “I want to be an example to the youth, sa age bracket namin, millennials, ganyan. Huwag silang matakot mag-invest especially if they know the brand.
“Kasi ang daming tao, lalo na sa ka-edaran namin ni Loisa, sa totoo lang, ang sarap ng feeling na sumagal.
“‘Tsaka dapat alam nila yung dalawang side na, kapag sumugal ka, minsan talo ka, minsan panalo ka.
“Kasi hindi mo matatanggap yun kapag nag-start ka, yung kapag natalo ka, hindi mo matanggap. ‘Tapos susuko ka na. Hindi dapat. Kailangan matuto.
“‘Tsaka dapat ang maging goal mo lagi, e, success, success, success. Kasi kung hindi ganoon ang mindset, talo ka talaga, e.”
Agree si Loisa sa sinabi ni Ronnie.
“Totoo, kasi doon mo malalaman yung risk, e. At kung ano ang magiging result noon,” ani ni Loisa.
“Claim it, agad. ‘Tsaka huwag makikinig sa sinasabi ng iba. ‘Tsaka magti-take lang kayo ng advice sa mga taong talagang pakikingggan ninyo at trusted ninyo.
“Kasi, siyempre, yung taong pinipigilan kayo sa mga pangarap niyo, tapos hindi ninyo naman kakilala, huwag kayong maapektuhan doon.
“Kasi hindi naman sila importante sa buhay ninyo.”
ON BEING HANDS-ON OWNERS
Pramis nila sa LoiNie fans, magiging visible sila sa kanilang coffee shop. Taga-Laguna lang si Ronnie na katabing probinsiya ng Cavite.
Five minutes away lang ang bahay ni Loisa sa location ng kanilang coffee shop.
“Sa totoo lang, mahilig talaga kami ni Loi minsan kapag wala kaming ginagawa nagka-kape kami sa labas. So ngayon, meron na kaming sarili, dito na kami.
“Baka any time magulat na lang sila. Malapit lang. So kayang-kaya. Kaya mga weekly makikita nila kami rito,” lahad ni Ronnie.
Saad naman ni Loisa, “Ay, hands-on kami. Ako yung handler ng social media account. So ako yung manager. Pati yung mga design, ideas talagang nagbra-brainstorming din po talaga kami.
“Meron akong blue project, mga healthy drinks naman po. So kakaiba rin. Online business ko po yun. Eto yung may ano talaga, may store.”
TARGET BRANCHES
Ilan pang branch ng Farron coffee shop na pag-aari nila ang target nila na mabuksan?
“Ngayon, eto muna for this year,” sabi ni Ronnie.
Dagdag ng aktor: “Next year mag-o-open kami sa Biñan. ‘Tapos anytime naman next year, baka magbukas kami sa school at saka sa LRT. Bale, apat.
“Ang target namin next year minimum of three branches.”
News Philippines today at https://philtoday.info/