
Christianie Kate Del Rosario: From irregular student to board topnotcher
Maraming pagsubok na pinagdaanan sa buhay si Christianie Kate V. Del Rosario, 24, ng Lipata, Minglanilla, Cebu, bago siya nakatapos ng pag-aaral.
Panganay siya sa tatlong magkakapatid.
Kuwento ni Christianie nung nakakuwentuhan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) last January 17, 2023 via Facebook Messenger, “Ang ina ko po ay housewife lang at ang ama ko naman ay nagtatrabaho sa Qatar bilang isang OFW.”
Nagtapos siya ng Bachelor in Elementary Education major in General Education sa Cebu Institute of Technology-University.
Top 10 naman siya sa January 2022 Licensure Examination for Teachers-Elementary Level, at may rating na 90.80 percent.
Pagbabahagi ni Christianie, “Actually, ang gusto ko ay maging chemical engineer.
“Pero dahil po sa problemang pinansiyal kaya ko naisipan na mag-shift sa education.
“Hindi naman ako nahirapang mag-adjust lalo na at gusto ko rin namang magturo at makatulong sa kapwa.”
COLLEGE LIFE
Maraming pinagdaanan si Christianie bilang estudyante
“Ang pinaka-challenging po ay ang pagiging irregular student ko dahil nga shiftee ako. Kailangan kong matapos o makuha ang mga back subjects ko upang makapag-practice teaching ako.”
Naranasan din niyang mag-cross enroll.
“Kasi mas mahal po kasi ang babayaran ko if magpapa-open ako noong subject na yun kasi ako na lang mag-isa ang mag-e-enroll.”
Hindi niya isinuko ang laban, “Iniisip ko talaga nang mga panahon na yun na dapat magtiis ako dahil alam ko naman kung ano ang magiging bunga, at ito ay ang makapagtapos ako.
“Minsan parang nalulungkot ako dahil parang delayed yung pag-graduate ko, pero iniisip ko rin na may dahilan ang lahat ng nangyayari.”
Aniya, hindi siya dapat panghinaan ng loob at dapat mas maging matatag.
Sa kanyang determinasyon, naka-graduate siya noong October 2019.
NASUNUGAN BAGO ANG BOARD EXAM
Pero masalimuot ang sinapit ni Christianie noong nagre-review na siya para sa board exam.
“Dahil sa pandemic, na-postpone ang board exam at parang noong panahon na iyon, naisip ko na parang nasayang yung pinag-aralan ko at walang kasiguraduhan kung kailan talaga ang exam.”
Malungkot niyang sambit, “Pangalawa ay nasunog ang bahay namin. Nasunog lahat ng gamit namin at walang halos natira.”
NOOD KA MUNA!
Ang masaklap pa, “Kasama sa nasunog ay yung NOA or Notice of Admission—na permit para maka-take sa board. Nasunog ding lahat ng reviewers ko.”
Kaya para kay Christianie, “Gumuho po talaga ang mundo ko noong panahon na yun kasi akala ko ay tapos na ang lahat para sa akin.
“Akala ko ay hindi na ako puwedeng mag-take ng board exam.
“Naisip ko rin, paano na kami ng pamilya ko? Paano kami babangon?”
PANGARAP TALAGANG MAGING TOPNOTCHER
Sa kabutihang palad ay natuloy si Christianie sa pagkuha ng board exam.
Aminado siyang mahirap ang pagsusulit, “Kasi may mga tanong na hindi ko napag-aralan, tapos kabado din po akong magkamali ng pag-shade.
“Kalaunan, pinakalma ko muna ang sarili ko kasi alam kong kapag nagpadala ako sa kaba ay baka hindi na ako makapag-isip nang maayos at magka-mental block.”
Sinabi rin niyang college pa lang ay pangarap na niyang maging topnotcher.
“Kasi gusto ko pong maging masaya ang mga magulang ko at maging proud sila sa akin.
“Pero noong pagkatapos po ng exam, ang hiningi ko na lang talaga kay Lord ay sana maipasa ko ito.”
Hindi naman siya makapaniwala na magiging 10th placer siya.
“Kabado po ako noong araw na iyon kasi alam ko na March 11 lalabas ang resulta.
“Bago ako umuwi, dumaan ako sa simbahan at nanalangin kay God na sana proud pa rin ang parents ko sa akin ano man ang resulta sa akin.”
Kaya nabigla siya nang may tumawag sa kanya at sinabing nakapasa siya at kasama pa sa topnotchers.
“Noong una, akala ko prank lang kasi hindi pa ako nakarating ng bahay.
“Wala rin akong load, gusto ko talagang makita yung resulta.”
Nang makumpirma na niyang totoo, “Napaiyak po talaga ako sa tuwa! Malaki talaga ang pasasalamat ko po sa Panginoon.”
Inialay ni Christianie ang tagumpay sa kanyang pamilya, “Lahat po ng pagsusumikap ay sila po ang dahilan ng lahat.”
Masaya pa niyang pagbabahagi, “Ngayon po ay isa akong Social Studies at Filipino teacher sa Communication Arts Learning Center.
“Pinaplano ko pong kumuha ng Masters upang mas paghusayan ko pa po ang aking propesyon.”
May iniwan siyang payo sa mga kabataan na gusto ring maging guro.
Ani Christianie, “Huwag mawalan ng pag-asa. Ang pagsubok sa buhay ay laging nandiyan.
“Dapat nating harapin ito nang taas noo at manalangin din sa Panginoon kasi palagi siyang nandiyan upang gumabay sa atin.
“Dapat bumangon tayo kahit pa maraming beses tayong madapa sa buhay.”
News Philippines today at https://philtoday.info/