
Madam Inutz on macho dancer boyfriend: “Hangga’t sa iyo umuuwi, wala kang dapat ikagalit.”
Hindi itinatago ni Madam Inutz na ang nobyo niyang si “Tantan” ay isang macho dancer sa isang gay bar sa Quezon City.
Si Madam Inutz ay vlogger at ex-housemate sa Pinoy Big Brother Kumunity Season 10 Celebrity edition.
Manager ni Madam Inutz si Wilbert Tolentino, vlogger at owner ng gay bar na pinatratrabahuan ni Tantan.
Dahil sa trabaho ni Tantan bilang entertainer, hindi maiiwasang maraming babae at gay men ang nagpapakita ng motibo rito.
Pero kampante si Madam Inutz sa loyalty ng boyfriend.
“Ika nga, hangga’t sa iyo umuuwi, wala kang dapat ikagalit. Tiwala lang talaga saka pang-unawa.
“Kasi unang-una, dun ko siya nakilala, e. Di ako selosang babae,” sabi ni Madam Inutz sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Naganap ang interview kay Madam Inutz sa opening ng Furniture Deal Philippines sa Sta. Maria, Bulacan, kamakailan.
Dito ay sinagot ni Madam Inutz ang paratang ng iba na baka siya ang bumubuhay sa karelasyon na si Tantan, na may dalawang anak na sinusuportahan.
“Yun ang tingin ng tao, hindi natin maalis iyan. May work siya sa bar saka nagsasama kami sa pagba-vlog. Kahit papaano nasisingit na rin siya,” sabi ng ex-PBB housemate.
Natutuwa si Madam Inutz na tanggap ng mga anak niya at ng mga anak ni Tantan ang kanilang relasyon.
Ang kanilang turingan, pamilya na “parang tropa.”
“Ang bonding namin ay kumain, ilabas ang mga bata. Yung anak niya is six saka four years old; sa akin seventeen, fifteen, saka eight,” ani Madam Inutz.
Parang nanay na rin daw siya ng mga anak ni Tantan.
“Oo naman. Sa laki ba naman ng hinawakan kong sakripisyo at in-embrace ko na family ko, anak niya pa kaya?
“Kasi once na nagmahal ka, kasama pati pamilya niya,” rason niya.
Pero kahit maganda at tahimik ang takbo ng relasyon nila ng boyfriend, aminado si Madam Inutz na hindi pa nila napag-uusapan ang tungkol sa kasal.
“Sa kasal, hindi pa ako naglu-look forward sa ganun, kasi siyempre napakadali namang anuhin nun.
“Kung gusto mong planuhin, mangyayari at kaya mong gawin.
“At the moment kasi, ine-enjoy namin yung moment na mayroon kami ngayon. Siyempre priority pa rin namin pamilya pa rin.
“Ang dami ko pang gustong gawin sa trabaho ko. Masaya kami at the moment.”
ON MY PAPA PI SEASON 2
May mga proyekto na ring nagawa si Madam Inutz bilang isang artista.
“Sa showbiz career, okay naman. Kumbaga, kahit papaano may mga projects pa rin naman tayo, mayroon pa ring kumukuha kay Madam, di pa rin tayo nawawalan ng trabaho.”
Ibinalita rin niyang magkakaroon ng season two ang MyPapa Pi, ang sitcom na pinagbibidahan nina Piolo Pascual at Pia Wurtzbach, kunsaan kabilang si Madam Inutz sa cast.
Aniya, “Masyadong busy yung schedule ni Ate Pia so na-resked uli yung series namin.
“Ang ABS-CBN nakadepende pa rin sa availability ng mga artists.
“Si Ate Pia medyo busy pa rin, tapos si Papa P may mga ibang projects, so naa-adjust yung sked.”
Gusto rin ba niyang mapasama sa full-length drama series?
Tugon ng celebrity vlogger, “Siyempre, kung ano yung mga offers, hangga’t kaya pa ni Madam Inutz, why not, di ba?
“Grab lang ako nang grab habang nandiyan ang opportunity. Hangga’t may kumukuha di ako mapapagod pasukin ang mga bagay na kaya ko pang gawin.”
Pero hindi raw niya iiwan ang pagnenegosyo.
“Nagla-live [selling] pa rin ako, alahas naman ngayon. Okay naman, kahit papaano nakakakuha pa rin ng panggastos, pantustos, so never ko talaga ititigil yun.
“Mawala man ako sa industriya, ang pagla-live selling ko nandiyan pa rin. More on business po ako talaga.
“Yung mga alahas galing Saudi, Japan. May lalabas din akong rejuvenating, beauty products.”
NO BAD BLOOD WITH CHIE
Nagkaroon ng kumprontahan noon sina Madam Inutz at Chie Filomeno sa PBB.
Sinabi kasi ni Madam Inutz na ganda lang ang ambag ni Chie sa loob ng Bahay ni Kuya.
Pero umalma si Chie at sinabing ibinibigay niya ang kanyang best sa lahat ng tasks sa bahay ni Kuya.
Siniguro naman ni Madam Inutz na walang isyu sa kanila ni Chie.
“Okay kami, nagkikita kami sa studio ng ABS. Minsan nagha-hang out yung grupo namin, yung season namin.
“Pero siyempre, sa dami rin ng trabaho ng iba, hindi kami nakukumpleto. May group chat kami.”
Nakalimutan na raw nila ang anumang alitan noon.
Saad ni Madam Inutz, “Kumbaga, sa amin talaga, kapag nasa loob ka ng Bahay Ni Kuya, di mo na talaga alam kung ano ang sasabihin mo kay Kuya para magkaroon ng ano.
“Voting kasi yun, di ba? Pag nandun ka sa loob ng bahay, masasabi mo na lang kung ano ang gusto mong sabihin talaga.
“Napag-usapan na rin naman sa loob iyan, pero di lang siguro naipalabas sa TV na, ‘Walang magtatampo kung sino iboboto, ha?’ May usapan kaming ganun.
“Okay kaming lahat.”
Sa isyung “scripted” ang PBB, sabi ni Madam Inutz, “Hindi talaga. Wala talaga, isa lang talaga ang matitira, isa lang ang mananalo.
“Kumbaga, in-expect na namin isa-isa yun na mabo-vote out. Na mabo-vote out talaga kami.”
News Philippines today at https://philtoday.info/