
Jim Paredes and Boboy Garrovillo mourn the passing of Danny Javier
Bukod sa kanyang pamilya, ang dalawang taong labis na nagdadalamhati sa pagpanaw ng singer-songwriter na si Danny Javier ay ang kanyang mga kasamahan sa APO Hiking Society na sina Jim Paredes at Boboy Garrovillo.
Ito ay dahil sa 40 taong pagsasama nila bilang miyembro ng iconic OPM group na nagpasikat sa napakaraming kanta.
Pumanaw si Danny dahil sa matagal nang karamdaman nitong Lunes, October 31, 2022. Siya ay 75 taong gulang.
Hindi marahil masusukat sa dami ng mga salita ang dalamhating nararamdaman nina Jim at Boboy sa pagpanaw ni Danny.
Ngunit sa pamamagitan ng social media ay ibinahagi nila ang saloobin sa malungkot na balitang ito.
Kalakip ang black and white photo ni Danny na nakangiti, ito ang mensahe ni Jim sa kanyang Instagram post ngayong Martes, November 1: “Danny clowning around during recording years ago. . Till we meet again, Bro..”
Makahulugang mensahe naman ni Boboy sa kanyang Facebook post kahapon: “Just feeling the loss of an old faithful friend who knew what love is although sometimes it doesn’t just show. My friend lives on in his music.”
Musika ang nagbigkis kina Danny, Jim, at Boboy.
Nagsimula ang kanilang samahan noong nasa kolehiyo sila sa Ateneo de Manila University. Hanggang sa nakilala ang APO bilang isa sa haligi ng Original Pilipino Music o OPM.
Kabilang sa napakarami nilang pinasikat na awitin ang mga sumusunod: “American Junk,” “Anna,” “Awit ng Barkada,” “Bakit ang Babae,” “Batang-Bata Ka Pa,” “Bawat Bata,” “Blue Jeans,” “Doo Bi Doo,” “Ewan,” “Heto Na,” “Kabilugan ng Buwan,” “Kaibigan,” “Lumang Tugtugin,” “Mahirap Magmahal ng Syota ng Iba.”
Nandiyan din ang “Paglisan,” “Pagsubok,” “Panalangin,” “Pare Ko,” “Pumapatak ang Ulan,” “Saan Na Nga Ba’ng Barkada,” “Salawikain,” “Show Me A Smile,” “Tuyo Na’ng Damdamin,” “Wala Nang Hahanapin Pa,” “When I Met You,” at “Yakap Sa Dilim.”
Nagdesisyon sina Danny, Jim, at Boboy na magretiro na bilang APO Hiking Society noong 2010.
Read: APO Hiking Society to retire 40-year career this 2010
News Philippines today at https://philtoday.info/