
Anthony Taberna dismisses death threats “most of the time”
Patuloy na nakatatanggap ng banta sa kanyang buhay ang broadcaster at komentarista na si Anthony Taberna aka Ka Tunying dahil sa mga matatapang at maaanghang na komento niya.
“Ang sa akin po kasi, yun pong threat, iba-ibang klase po iyang threat, e,” sambit ni Ka Tunying sa mediacon ng Kuha All nitong Nobyembre 21, 2022, Lunes, sa Sixty-Four restaurant ng Evia Lifestyle Center, Daang Hari, Almanza Dos, Las Piñas City.
“Iba’t ibang klase po iyan. Ngayon, mas daring po yung mga nagte-threaten sa atin lalo na nga po dun sa social media na wala namang pangalan.
“Mga peke yung mga accounts ng mga nagte-threaten sa atin, death threats, kung ano mang klase ng threats. Most of the time po ay dini-dismiss lang po natin yun.
“Ang dahilan po para sa akin, katulad ng naririnig din natin sa iba, na if there’s someone who would like to harm you, e, hindi na po iyon magbibigay ng advance notice, ano, kung talagang tototohanin.
“Gaya din po ng ibang mga tao, nag-iingat po tayo. Ginagawa po natin ang kaukulang pag-iingat para po sa atin at para sa ating pamilya.
“Para sa gayon po ay hindi tayo mabiktima ng ano mang physical harm. And most of all, hindi po tayo umaalis ng ating bahay na hindi po tayo nananalangin.
“Dahil ang akin pong paniniwala, bagamat may mga nagmumungkahi po sa akin na kumuha ng bodyguard katulad ng ginagawa ng iba…
“Ang akin pong paniniwala, bukod po sa aking pag-iingat sa sarili nang personal ay hindi po ako mababantayan ng kahit na sino — kahit na isang batalyong sundalo — kung meron pong isang determined na gagawa ng masama sa akin o sa aking mga minamahal sa buhay.
“Ang makapagbibigay po sa atin ng proteksiyon ultimately ay ang Panginoong Diyos na kayang-kaya pong iligtas tayo sa kahit na sinong nag-iisip ng masama.”
NO NEED FOR BODYGUARD
Meron ba siyang bullet-proof na sasakyan?
NOOD KA MUNA!
“Wala po, wala po. Mahal po yun, e! Ang totoo po nun, ito lang damit na pinasuot sa akin ng misis ko, kabibili po niya nito.
“Sabi ko, ‘Bakit kailangan pang bumili? E, ang mahal-mahal niyan!’ Medyo kuripot po kasi ako, e.”
Mas mapapanatag ang kalooban ng mga nagmamahal at nagmamalasakit kay Ka Tunying kung meron siyang mga bodyguard.
“Ang bodyguard ko po ay ang Panginoong Diyos, e!” napangiting bulalas ni Ka Tunying.
“Hindi po ako kumukuha ng bodyguard. Una, ang lakas kumain ng mga bodyguard ngayon. Medyo mataas ang presyo ng bigas, e!
“Kidding aside po, baka hindi ako maging komportable na may bodyguard.
“May mga OA po kasi na bodyguard. Baka sabihin pa, napakayabang ng Ka Tunying na iyan!
“E, ngayon po, matutuwa ka, galing po ako sa Iloilo. Kahit saan po, mula sa airport, sa restaurant, sa pasyalan, may mga nakakakilala po sa atin na mga tao.
“Imagine, wala naman tayo sa mainstream pero niyayakap tayo ng mga tao. E, baka pag niyakap kami, yung bodyguard ko, e, hawiin yung tao, mabuwisit ako ng bodyguard e baka mag-away pa kami,” natatawang sabi ni Ka Tunying.
Related Stories:
RADIO SHOW ON DZRH, TV SHOW ON ALLTV
Nasa DZRH ang radio program ni Ka Tunying na Dos Por Dos kung saan katuwang niya si Gerry Baja.
Mag-uumpisa ang public service program ni Ka Tunying na Kuha All sa Nobyembre 26, Sabado ng 5:00 p.m., sa ALLTV, ang bagong channel.
May conflict ba sa DZRH ang TV comeback ni Ka Tunying?
“On the contrary, napaka-supportive po ng DZRH dito po sa opportunities na atin pong tinatamasa dito sa ALLTV, ano,” paliwanag ni Ka Tunying.
“Gusto ko lang pong i-share sa inyo na ito pong DZRH, nung nalaman po nila na nag-uusap na kami ng ALLTV, ang sabi nila agad-agad sa amin, kung paano sila makakasuporta.
“Ganun po, kung paano sila makakatulong. At true enough, hindi lang po sila nasa salita, ang Manila Broadcasting Company.
“Nung sinabi po namin na ang programa… eventually po kasi ang isang ino-offer dito sa atin sa ALLTV ay isang nightly newscast, ano po.
“E, magkakaroon po ng conflict sa amin pong schedule dahil po ang Dos Por Dos po ay alas singko hanggang alas sais y medya ng gabi, ano? Dati.
“So, bagamat meron na silang plano na ilagay kami sa umaga, napabilis po. Napabilis po yung implementation nung kanila pong plano na yun na ilagay kami sa umaga.
“Dahil nakita nila na magkakaroon po kami ng conflict kung matutuloy na yung ALLTV. Kaya wala pong naging problema sa DZRH.
“Dahil I would like to say it again and again, sa pamunuan po ng DZRH, Manila Broadcasting Company, maraming salamat po sa inyo pong suporta sa akin.”
WHY ALLTV?
Maganda ang talent fee ni Ka Tunying sa Kuha All, at buo ang suporta rito ng ALLTV.
Pero bakit sa ALLTV ang kanyang TV comeback? Bakit hindi sa TV5, GMA-7, CNN, o NET25?
“Number one po, gusto ko pong sabihin sa inyo na noong kumatok po sa amin ang pamunuan ng ALLTV at that was the time na medyo… medyo nakakahinga-hinga na po ako nang maluwag sa amin pong sitwasyon ng aking anak na nagkaroon po ng karamdaman, ano,” pagtatapat ni Ka Tunying.
“So, actually po, hindi naman po ako gigil na gigil talaga na magbalik sa telebisyon.
“Naging jobless po ako for a time. Nagkausap pa po kami ng Channel 5. Nagkausap po kami ni Boss MVP [Manny V. Pangilinan] for a possible partnership between myself and TV5.
“Kaya lang po, may mga hindi na po nag-materialize kaya hindi po kami natuloy dun.
“So, talagang tiningnan ko din naman po yung opportunities din sa iba. Pero ito pong ALLTV, hindi po sila nakipag-usap lang, e.
“Bukod sa talkies, umaksyon agad. Ambilis kumilos! Sobrang bilis pong kumilos! Nag-iisip pa lang ako kung magdedesisyon ako o hindi pero andiyan na, pinapatawag na kami sa meeting.
“Ambilis kumilos ni Ma’am Beth Tolentino. The Flash, e! Sobrang bilis kumilos. So, nung nagkaharap na kami, napakabait namang kausap. Wala kaming hindi pinagkasunduan.
“Yun siguro ang isa sa mga dahilan kung bakit ambilis naming nakumbinsi.
“But I made it very clear to her at sa pamunuan po ng ALLTV na talaga namang dumating yung pagkakataon na sinabi ko, ‘Ayoko na, e! Gusto ko nang unahin ang pamilya ko!’
“Kasi, sobra pong exhausting talaga ang magkaroon ng TV show/s. Sobra pong exhausting, sobra pong time-consuming.
“Sobrang stressful pag may mga gusto ka na hindi mo makukuha. Sabi ko talaga kay Ma’am Beth, ‘Ma’am Beth, happy na naman ako dito, e. Gusto kong unahin yung pamilya ko.’
“Meron naman akong negosyo. Meron akong YouTube channel, meron akong Facebook. Kahit papaano, kumikita naman ako dun.
“Nung nalaman nga niya ang kita ko sa Facebook, e, ganun, ‘Ha?!’ Nagulat siya.
“Kaya sabi ko, ‘Lakihan ninyo ang suweldo ninyo sa akin! Kasi, kung hindi ninyo lalakihan ang suweldo ninyo sa akin, e, magyu-YouTube na lang ako saka magpe-Facebook.’
“Kaya ayun, nilakihan nila yung offer… Kaya nga po ang tawag nila dito, they gave me an offer that I couldn’t refuse.
“E, sino naman ako para tumanggi? Ang sabi nga nila, ang tumatanggi sa grasya, lalabo ang mata!”
News Philippines today at https://philtoday.info/